
Tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na aaksyunan niya “forthwith” o kaagad ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sakaling iakyat na sa Senado ang kaso.
Ayon kay Sotto, hindi na kailangang i-define pa ang ibig sabihin ng “forthwith” at oras na umakyat sa Senado ang impeachment case ay mabilis niya itong aaksyunan.
Kapag natanggap na aniya ng Mataas na Kapulungan ang articles of impeachment laban sa bise presidente ay agad niyang ipababatid ito sa plenaryo ng kapulungan at ire-refer sa Senate Committee on Rules.
Agad aniya silang magco-convene sa pagbabalik ng sesyon o sa May 5 at sa loob ng dalawang linggo matapos mag-convene ay maaari na silang magsimula sa proper trial o sa mismong paglilitis.
Sa May 4 ay agad na magpapatawag ng caucus o pulong si Sotto para sa lahat ng mga miyembro kasama ang minorya upang mapag-usapan ang gagawin at mga paghahanda sakaling umakyat sa Senado ang impeachment case.










