Tuesday, April 21, 2026

Abogado ni ex-Speaker Romualdez, iginiit na walang nagbabawal na lumabas ito ng bansa

Iginiit ni Atty. Ade Fajardo na walang nagbabawal kay dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez para makalabas ng bansa.

Pahayag ito ni Fajardo makaraang hindi sang-ayunan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang planong pagtungo ni Romualdez sa Singapore para sa kanyang Angioplasty Surgery follow-up.

Diin ni Fajardo, ang immigration lookout bulletin order ay hindi nagbabawal na makabiyahe sa abroad si Romualdez.

Dagdag pa ni Fajardo, wala pa ring nailalabas na freeze order laban kay Romualdez at wala pa rin itong kinakaharap na kaso sa Ombudsman at saan mang korte.

Umaapela si Fajardo na huwag gumawa ng conclusions batay sa hindi kumpleto o hindi opisyal na mga impormasyon, kaakibat ang pagtiyak na patuloy na susunod at rerespetuhin ni Romualdez ang lahat ng legal na proseso.

Kaugnay nito ay inaprubahan naman ni House Speaker Faustino Bodjie Dy III ang hiling na travel clearance ni Romualdez para sa kanyang planong pagtungo sa Singapore para sa isang medical procedure.

Sa kaniyang liham kay Dy ay binanggit ni Romualdez na nagpadala na rin sya ng hiwalay na sulat sa Department of Justice (DOJ) para sa kaniyang hangad na paglabas ng bansa habang may Immigration Lookout Bulletin Order sa kaniya.

Facebook Comments