SSS, HINIKAYAT ANG MGA MIYEMBRO NA GAMITIN ANG BAGONG MICROLOAN PROGRAM

Hinikayat ng Social Security System o SSS ang mga kwalipikadong miyembro na gamitin ang bagong digital microloan facility na tinatawag na SSS LoanLite para sa kanilang agarang pangangailangang pinansyal.

Ayon sa SSS, maaaring makahiram ng ₱1,000 hanggang ₱20,000, depende sa average ng 12 pinakahuling Monthly Salary Credits o MSC ng miyembro.

Maaari itong bayaran sa loob ng 15 hanggang 90 araw.

Kwalipikadong mag-apply ang employed, self-employed, voluntary at OFW members na may hindi bababa sa 12 posted monthly contributions, at pasok sa itinakdang age requirement.

Kailangan ding walang past-due na Short-Term Member Loan, walang kasalukuyang SSS Micro Loan at walang fraud record sa ahensya.

Awtomatikong ibabawas ang hulog sa account kung saan natanggap ang loan proceeds.

Sa ngayon, available ang LoanLite sa UnionDigital Bank mobile application, habang nakikipag-ugnayan ang SSS sa iba pang financial institutions para mapalawak pa ang access sa programa.

Layunin nitong magbigay ng mabilis at panandaliang pagkukunan ng pondo para sa mga kwalipikadong miyembro. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments