Thursday, May 7, 2026

Struggling readers na estudyante, bumaba sa 2.2-M mula sa 6.7-M matapos ang S/Y 2025-2026

Umabot sa 4.5 milyon ang bilang ng estudyante sa iba’t ibang antas ang nakaahon mula sa pagiging “struggling reader” matapos ang School Year 2025-2026, base sa resulta ng Comprehensive Rapid Literacy Assessment, Rapid Math Assessment, at Philippine Informal Reading Inventory.

Ayon sa Department of Education o DepEd, bumaba ito sa 2.2-M mula sa 6.7-M struggling readers; habang tumaas naman sa 5.8-M mula sa 3.3-M ang bilang ng “grade-level ready” readers.

Kabilang din sa naitalang improvement ay ang pagbawas din ng bilang ng mga estudyanteng nasa “not or low proficient” level sa larangan ng math, maging ang pagbaba ng “emerging learners” sa lahat ng grade level.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, malaki ang ambag ng mga targeted intervention sa literacy at numeracy sa nasabing pag-unlad, na bahagi rin ng layunin ng pamahalaan para mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Gayunpaman, kailangan pa rin umanong palitan ang mga remediation program ng de-kalidad na pagtuturo sa loob ng silid-aralan at mga reporma sa sistema para ma-sustain ang maayos at de-kalidad na edukasyon sa bansa.

Facebook Comments