Monday, October 19, 2026

Suspek na nanloob sa bahay ng celebrity chef, naaresto ng pulisya

Nahuli na ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang suspek sa panloloob sa bahay ng isang celebrity chef at content creator na si Chef Myke “Tatung” Sarthou noong nakaraang buwan sa Rizal.

Ayon sa ulat, nahuli ang nasabing suspek sa Barangay San Jose, Antipolo City bandang 5:45 ng hapon, kahapon, October 18.

Mismong si PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang nag-atas sa lokal na pulisya na silipin ang kaso matapos mabatid ang pinagdaanan ni Sarthou kung saan pinabalik-balik umano ito sa iba’t ibang estasyon sa halip na bigyan ng agarang tulong ng pulisya.

Kasunod ng nasabing reklamo na ito ni Sarthou, pansamantalang sinibak sa pwesto ang mga tauhan ng Baras Municipal Police Station at Antipolo City Police Station na sangkot sa nasabing insidente habang nagpapatuloy ang resulta ng imbestigasyon.

Tinatayang aabot sa ₱4 milyong ang nawalang ari-arian at pinsala sa nasabing Chef, kabilang ang mga kasangkapan, obra maestra, antik, at mga kable ng kuryente.

Kaugnay nito, narekober sa operasyon ang isang travel bag na naglalaman ng iba’t ibang gamit, kabilang ang mga kitchen utensils mga dekorasyon na nagpatibay sa pagkakasangkot ng suspek sa pagnanakaw na naganap noong Setyembre 25.

Kasalukuyan namang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang taong sangkot sa insidente.

Facebook Comments