Suspek sa pagpatay sa isang dalaga sa Bulacan, umamin na sa ginawang krimen

154

Umamin na ang naarestong suspek sa pagpatay na kanyang ginawa sa babaeng engineer sa Bulacan kamakailan.

Ayon kay Malolos Police Chief Police Col. Ferdinand Germino, nakonsensya ang suspek na si Darwin Hernandez kaya umamin na ito sa pamamagitan ng kanyang sinumpaang salaysay.

Sinabi ni Col. Germino, nakainom ang suspek at balak talagang magnakaw.


Tiyempo namang dumaan ang biktimang si Princess Dianne Dayor at dito na niya isinakatuparan ang krimen.

Inamin din ng suspek na kinuha niya ang cellphone ni Dayor at binenta na ito.

Narekober din ng mga otoridad sa bahay ng suspek ang mga ID at ATM card ng biktima.



Nabatid na papasok na sana si Dayor sa trabaho noong madaling-araw nang July 2 nang holdapin siya ng suspek at sakalin hanggang mamatay.

Natagpuan ang bangkay niya noong July 5 na nasisimulan nang maagnas at may masangsang na amoy.


Sa ngayon, nasa kustodiya ng Malolos Police ang suspek.

Sinabi naman ni Germino na nasampahan na ang suspek ng kasong violence against women at robbery hold-up with homicide.

Facebook Comments