
Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na mananagot ang mga learners na nagpapakalat ng mga hoax threats o mga mapanlinlang at mga pekeng banta sa mga paaralan sa bansa.
Kasunod na rin ito ng pagkakaaresto ng Philippine National Police (PNP) sa 10 estudyanteng nagpapakalat ng mga ganitong mensahe online.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, haharap ang mga estudyante sa legal at administrative penalties sa ilalim ng campus safety policies.
Kabilang sa mga kahaharaping kaso ng mga estudyante ang mga prohibition ng Article 282 o Grave Threats na nasa ilalim ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law at DepEd Order No. 006, series of 2026 o Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE).
Kasama sa mga nahuling sumalang na sa inquest proceeding sa Office of the Provincial Prosecutor (OPP) ang pitong 15-year-old learners kasunod ng social media post kaugnay ng banta ng karahasan sa mga learners sa Tinajero National High School Annex sa Magalang, Pampanga.
Naaresto rin ang 18-year-old suspect sa Jaen, Nueva Ecija dahil sa pagpapakalat ng online bomb threats sa mga public at private schools sa San Ildefonso, Bulacan.
Isa pang 18-year-old learner ang naaresto at umaming nag-post ng pekeng banta para suspendehin ang klase sa San Felipe Integrated School sa Nueva Ecija.
Nasa 16 digital devices naman ang nakumpiska sa isang babae sa Barangay Paradahan 1 dahil sa online threat na target ang paaralan sa Tanza, Cavite.
Ang mga nakumpiskang items na nasa kustodiya ng PNP ay bubusisiin muna ng mga otoridad dahil sa paglabag sa Article 282 o Grave Threats ng Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act.










