
Naitala ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division ang 3,670 kaso ng dengue sa lungsod mula January 1 hanggang August 6, 2026.
Pinakamataas na bilang ng kaso ng dengue ang naitala ng city heath department sa District 2, na umabot sa 1,286 kaso; habang pinakaapektado ng nasabing sakit ang mga residenteng nasa edad sampung taon pababa.
Gayunpaman, mas mababa umano ng 46% ang naitalang kaso kung ikukumpara sa 6,842 kaso sa parehong panahon noong 2025.
Samantala, umabot naman sa 18 ang nasawi sa lungsod dahil sa dengue.
Panawagan ng city health department sa mga residente ng lungsod, takpan ang mga drum o water tanks at timba na maaaring pamugaran o pangitlugan ng lamok; magsuot ng mahabang manggas at pantalon, gumamit ng kulambo sa pagtulog at anti-mosquito spray o mosquito repellant.
Dagdag pa rito, hinimok din ng city health department ang mga residente na magpakonsulta agad sa pinakamalapit na health center para sa libreng Dengue test at check-up, sakaling may sintomas ng dengue gaya ng lagnat, pananakit ng ulo at tyan.










