
Cauayan City – Kusang sumuko sa pulisya ang isang magsasaka, matapos ang insidente ng pamamaril sa Sto Nino, Cagayan.
Kinilala ang suspek bilang si alyas “Pitong,” tinatayang nasa wastong edad, walang asawa, magsasaka, at residente ng naturang bayan.
Kusang loob siyang nagtungo sa Sto. Niño Police Station dala ang isang homemade 12-gauge shotgun at isang bala.
Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente habang nagtatayo ng bakod ang suspek sa hangganan ng kanyang ari-arian nang biglang dumating ang biktima at sinira ang bakod, dahilan ng kanilang mainit na pagtatalo.
Nagalit umano ang biktima at tinangkang hampasin ang suspek gamit ang isang bolo at sa takot ng suspek, binaril niya ang biktima sa dibdib gamit ang dalang baril.
Agad na isinugod ang biktima sa ospital at kasalukuyang nagpapagaling.
Samantala, nahaharap naman ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.