Saturday, September 5, 2026

Taguig City, itinanggi ang umano’y panghaharang ng mga personnel ng public order and safety office personnel sa mga tauhan ng ombudsman na nagsasagawa ng operasyon sa C6 road

Todo tanggi ang Taguig LGU sa umano’y insidenteng kinasangkutan ng mga tauhan ng Public Order and Safety Office o POSO at mga personnel ng Office of the Ombudsman kahapon.

Ayon sa lungsod, nagsimula ang insidente dahil sa isang hindi pagkakaunawaan habang nagsasagawa ng regular na pag-iikot ang POSO team sa C6 Road sa Barangay Sta. Ana.

Napansin umano ng mga tauhan ang isang hindi markadong itim na pickup na nakaparada sa bike lane at mga indibidwal na nakasibilyan na nagpapalipad ng drone.

Bilang bahagi ng kanilang tungkulin, nilapitan ng POSO ang grupo upang alamin ang kanilang pagkakakilanlan at layunin.

Sinabi ng lungsod na hindi agad nagpakilala ang mga ito bilang mga tauhan ng Office of the Ombudsman, kaya humingi ng pagkakakilanlan ang POSO.

Sa gitna ng pag-uusap, nagkaroon umano ng tensyon matapos abutin ng isang nagpakilalang police major ang ID ng team leader ng POSO, na naging dahilan ng maikling komprontasyon.

Kalaunan, rumesponde ang mga pulis mula sa Napindan Police Substation. Nang malinaw na ang pagkakakilanlan at layunin ng grupo, ipinagpatuloy ng Ombudsman personnel ang kanilang aktibidad habang umalis naman ang POSO team upang ipagpatuloy ang kanilang roving operations.

Sa hiling ng kabilang panig, bumalik ang mga tauhan ng POSO at humingi ng paumanhin sa naging hindi pagkakaunawaan. Dinala rin ang usapin sa Ususan Police Substation kung saan ito naitala sa police blotter at mapayapang naresolba.

Iginiit ng Taguig City na walang intensyon ang POSO na hadlangan ang Office of the Ombudsman sa pagtupad ng kanilang mandato.

Una rito, nagsumite si Senator Ping Lacson sa Office of the Ombudsman ng testimonya at documentary evidence kaugnay sa mga flood mitigation projects sa Taguig na mula sa record ng DPWH, Philippine Reclamation Authority at Land Registration Authority para makatulong sa isinasagawang fact-finding investigation.

Facebook Comments