
Nanawagan si Senator Bam Aquino sa pamahalaan na pag-aralan ang tuluyang pag-alis sa 12% VAT sa residential electricity para maibaba ang singil sa kuryente.
Sa gitna na rin ito ng isinusulong na pagaalis sa system loss charge na bumubuo ng humigit-kumulang 5% hanggang 6% ng singil sa kuryente.
Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), sinabi ni Aquino na maaaring magbigay ng mas malaking ginhawa sa mga consumer ang panukala, kasabay ng mga hakbang na alisin ang system loss charges sa kanilang mga bill sa kuryente.
Naunang inihain na ni Aquino ang Senate Bill No. 266 na layong gawing exempted sa VAT ang pagbebenta ng kuryente ng mga kumpanyang nasa generation, transmission, at distribution, gayundin ng mga electric cooperative.
Layunin din ng panukalang batas na gawing exempted sa VAT ang mga serbisyo ng mga franchise grantee ng mga electric utility.










