TATLONG GRADUATE NG PSU-BINMALEY, NAGNINGNING SA FISHERIES LICENSURE EXAM

Muling ipinamalas ng mga nagtapos ng Pangasinan State University (PSU)–Binmaley Campus ang husay ng mga Pangasinense matapos makapuwesto sa Top 10 ng katatapos na Fisheries Professionals Licensure Examination.

Kabilang sa mga nanguna si Ralph Mathew Dapilaga Dela Cruz, na nakakuha ng ika-6 na puwesto sa buong pagsusulit sa rating na 88.25 porsiyento.

Sumunod naman si Edson Durante Gumapos, na nagtala ng 88 porsiyentong rating para sa ika-7 puwesto, habang nakamit ni Ma. Isabella Aruelo Salomon ang ika-9 na puwesto sa rating na 87.50 porsiyento.

Para sa pamunuan ng PSU-Binmaley Campus, patunay ang tagumpay ng tatlong graduate sa kalidad ng edukasyong ipinagkakaloob ng unibersidad, gayundin sa dedikasyon ng mga gurong gumagabay at naghahanda sa mga mag-aaral para sa kanilang napiling propesyon.

Higit pa sa pagkilala sa kanilang indibidwal na pagsisikap, nagsisilbi rin itong inspirasyon sa iba pang mga mag-aaral na patuloy na magsikap at pagbutihin ang kanilang kaalaman at kakayahan upang makamit ang kanilang mga pangarap.

Sa panibagong tagumpay na ito, muling naipamalas ang kakayahan ng mga Pangasinense na makipagsabayan at magtagumpay sa larangan ng propesyonal na pagsusulit, na nagdadala ng karangalan sa kanilang paaralan at sa buong lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments