Tatlong Most Wanted Persons ang naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 1 sa magkakahiwalay na operasyon sa Ilocos Norte at Pangasinan noong Mayo 20–21, 2026.
Sa Pagudpud, Ilocos Norte, nadakip ang isang Most Wanted Person na kabilang sa top list ng lalawigan sa pinagsanib na operasyon ng iba’t ibang yunit ng pulisya. Ang suspek ay may kinakaharap na kaso kaugnay ng paglabag sa Fisheries Code at may nakatakdang piyansa.
Sa Mangatarem, Pangasinan, naaresto naman ang Top Most Wanted Person ng bayan na nahaharap sa mga kasong Qualified Rape of a Minor at Sexual Assault, batay sa inilabas na warrant of arrest.
Samantala, sa Laoag City, Ilocos Norte, nadakip ang isa pang Most Wanted Person sa operasyon ng CIDG at iba pang yunit ng kapulisan dahil sa kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang tatlong naarestong indibidwal para sa dokumentasyon at kaukulang proseso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








