
Arestado ang tatlong pulis na nakatalaga sa Caloocan City Police matapos gawing raket ang mga dalaw sa mga bilanggo sa kanilang presinto.
Ayon sa Integrity Monitoring and Enforcement Group ng Philippine National Police (IMEG – PNP) ang mga suspek ay may ranggong police major, police master sergeant, at patrolman.
Kasama ring dinakip ng mga awtoridad ang dalawang preso na ginagamit ng mga pulis sa paniningil sa mga kamag-anak ng mga detainee.
Batay sa ulat ng IMEG, nagsimula ang imbestigasyon matapos magsumbong ang isang kaanak ng nakakulong na sinisingil sila ng hanggang P1,500 para makadalaw.
Base pa sa reklamo, P200 ang sinisingil bilang “entry fee,” P550 sa paggamit ng waiting area, P100 para sa “mandatory food” ng preso.
Samantala, nakarating na kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang naturang insidente kung saan kanyang sinabi na hindi kukunsintihin ang ganitong uri ng kalokohan.
Sa ngayon, nasa IMEG headquarters na sa Camp Crame ang tatlong pulis habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga ito.