Tauhan ng Immigration na sangkot sa pagpapatakas ng high-profile na Korean fugitive, sinibak na sa pwesto

Sapul sa CCTV ang isang lalaking naka-itim na t-shirt at nakasuot ng short kasama ng dalawang sakay ng puting van.

Sa hiwalay na video, makikita naman ang paglabas ng naka-itim na lalaki sa isang establisyemento patawid ng kalsada.

Dali-dali itong pumasok sa puting van na tila naghihintay talaga sa kaniya.


Ang naturang lalaki, isang South Korean national na high profile inmate pala at ang van ang nagsilbing getaway vehicle.

Batay sa unang ulat ng Bureau of Immigration (BI), nakatakas daw ang dayuhan matapos gumamit ng banyo sa pagdalo nito sa court hearing sa Quezon City Regional Trial Court noong March 4.

Kinumpirma naman ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na isang tauhan nila ang sangkot sa nangyaring pagtakas ng dayuhan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Viado na kinasuhan na Department of Justice ang nasabing tauhan at sinibak na rin sa pwesto.

Batay aniya sa kopya ng CCTV footage, malinaw na may nangyaring sabwatan mula sa taga loob ng ahensiya.

Sa ngayon, iniimbestigahan na rin ang iba pang mga taga BI na posibleng sangkot dito habang nagsasagawa na ng internal audit sa lahat ng high-risk na deportation at detention case.

Tiniyak naman ni Viado na hindi sila titigil hangga’t hindi napaparusahan at nakukulong ang mga nasa likod nito.

Facebook Comments