Friday, May 22, 2026

Tila pabago-bagong pahayag ng China sa posisyon sa West Philippine Sea, kinuwestiyon

Kinuwestiyon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tila pabago-bagong pahayag ng Embahada ng China kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay matapos sabihin ni Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei na mayroon lamang umanong “overlapping claims” ng exclusive economic zone sa pagitan ng Pilipinas at China sa naturang bahagi ng karagatan.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, matagal nang iginigiit ng China na mayroon silang matibay na soberanya sa buong South China Sea pero bigla umanong nabago ang posisyon nila ngayon.

Binigyang-diin ni Tarriela na malinaw na magkaiba ang dalawang posisyon kung saan kinuwestiyon din niya kung aprubado ba ng Chinese Ministry of Foreign Affairs ang bagong pahayag ng embahada o nalilito na aniya sa sarili nilang posisyon.

Sinang-ayunan naman ni Tarriela ang sinabi ng China na may kalayaan ang lahat ng bansa sa paglalayag sa South China Sea.

Pero iginiit ng opisyal na hindi freedom of navigation ang tunay na isyu kundi ang iligal na ginagawa ng China sa West Philippine Sea na nasa loob ng ating teritoryo.

Kabilang aniya rito ang reclamation at militarisasyon sa loob ng ating EEZ, pangha-harass at pambobomba ng tubig sa mga Pilipinong mangingisda, at ang mga delikadong pagmaneobra ng China Coast Guard at maritime militia vessels laban sa mga barko ng Pilipinas.

Facebook Comments