
Isinusulong ng Dagupan City Police Office ang pag-activate ng Tourist Police Unit (TPU) sa mga pangunahing pasyalan sa Dagupan City partikular sa Tondaligan Blue Beach na dinarayo ng maraming turista.
Inihain ang panukala sa regular session ng Sangguniang Panlungsod noong Mayo 5, bilang bahagi ng Philippine National Police Safer Cities Initiative.
Ayon sa kapulisan, ang TPU ay nakatakdang magtalaga ng dedikadong police units sa mga tourist hubs upang matiyak ang kaligtasan ng mga bisita at residente.
Pinangunahan nina Councilors Atty. Joey Tamayo at Chito Samson ang sesyon, kasama ang iba pang konsehal na nagpahayag ng buong suporta sa panukala at pinag-aaralan pa ang pagpapalawak nito sa iba pang lugar.
Ayon pa sa DCPO, bubuuin ang TPU ng Chief Tourist Office, Tourist Assistance Centers at Tourist Assistance Desk. Plano ring ilagay ang mga movable outpost para sa mas epektibong pagbabantay.
Dagdag pa rito, sasailalim umano sa espesyal na pagsasanay ang mga itatalagang pulis, kabilang ang basic language training upang mas maayos na makipag-ugnayan sa mga turista.
Sa kasalukuyan, nasa 420 ang kabuuang bilang ng tauhan ng DCPO, at inaasahang madaragdagan pa ang mga itatalaga sa TPU.
Kaugnay nito, suportado rin ng mga barangay chairperson sa mga lugar na may tourist spots ang hakbang, na inaasahang mapapalawig ang seguridad ng publiko sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










