Naglabas ng traffic rerouting advisory ang Public Order and Safety Office (POSO) ng Dagupan City kaugnay ng pagpapatupad ng mga hakbang sa pamamahala ng trapiko para sa mas maayos at ligtas na paggunita ng Undas 2026.
Sa ilalim ng abiso, pinapayuhan ang mga motorista at publiko na sundin ang mga itinakdang direksiyon ng daloy ng trapiko, alternatibong ruta, at mga regulasyon sa paradahan sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod.
Kabilang sa mga lugar na saklaw ng traffic rerouting ang Perez Boulevard area at mga kalsadang malapit sa Eternal Gardens Memorial Park (EGMP).
Batay sa advisory, ipatutupad ang sumusunod na mga regulasyon sa trapiko:
Perez Boulevard — two-way traffic.
A.B. Fernandez Avenue — one-way traffic.
Rizal Street — two-way traffic.
Galvan Street — sarado sa trapiko.
Zamora Street — one-way traffic.
Burgos Street — two-way traffic.
Amado Street — one-way traffic.
A.B. Fernandez West — one-way traffic.
Bonifacio Street — bawal ang paradahan sa magkabilang panig ng kalsada.
Kaugnay nito, inatasan din ang mga motorista na sundin ang itinalagang pasukan at labasan ng Eternal Gardens Memorial Park, gayundin ang mga parking restriction at drop-off area upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa paligid ng sementeryo.
Pinaalalahanan naman ng POSO ang publiko na sumunod sa mga traffic sign at tagubilin ng mga traffic enforcer, gumamit ng mga itinakdang alternatibong ruta, at iwasan ang illegal parking at pagbabara sa mga kalsada.
Pinapayuhan din ang mga motorista na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at maglaan ng dagdag na oras dahil sa posibleng pagkaantala ng daloy ng trapiko, lalo na sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga bibisita sa mga sementeryo.
Binigyang-diin ng POSO Dagupan City ang kahalagahan ng pakikiisa ng publiko sa pagpapatupad ng traffic rerouting scheme upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng mga motorista at pedestrian sa paggunita ng Undas 2026. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










