Tulong pinansyal sa pamilya ng nasawi at sugatang pulis sa Cotabato robbery encounter, tiniyak ni PNP chief

Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang agarang pagpapalabas ng mga benepisyo at tulong pinansiyal sa pamilya ng pulis na nasawi sa pakikipaglaban sa grupo ng mga nanloob sa isang restaurant sa Barangay Bagontapay, M’lang, Cotabato kamakalawa.

Ayon kay Azurin, sasagutin ng PNP ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing kay PSSg. Rudy Verona Amihan Jr., ng M’lang Municipal Police Station.

Maging ang gastusin sa pagpapagamot ng dalawa pulis na sugatan sa pagresponde sa insidente na sina Cpl. Noli Labesores at Pat. Herzon Neyra ay sasagutin din ng PNP.


Kasunod nito, pinuri ni Azurin ang mga pulis dahil sa pagpapakita ng kanilang dedikasyon sa kanilang tungkulin.

Sa nasabing insidente, nasawi si PSSg. Amihan at isang sibilyan habang apat naman ang naitalang sugatan at sa panig ng mga suspek apat din sa mga ito ang namatay habang walo naman ang patuloy na pinaghahanap.

Facebook Comments