Friday, July 3, 2026

Limang bagong bahay pag-asa, itatayo sa ilalim ng multi-year construction program

Itatayo ang limang bagong pasilidad ng Bahay Pag-asa sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Ayon kay Senate President Win Gatchalian, sa 2026 national budget ay naglaan ang Senado ng P275 million sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa unang phase ng multi-year construction program ng Bahay Pag-asa.

Layon ng pagpapatayo ng mga dagdag na Bahay Pag-asa na palawakin ang tamang pangangalaga at rehabilitasyon ng mga children in conflict with the law (CICL) partikular sa pagkakaloob ng residential care, intervention at rehabilitation services.

Ang bawat Bahay Pag-asa na ipatatayo ay mayroong 50 beds capacity o kabuuang 250 na additional beds.

Ipinunto ni Gatchalian na mahalaga ang papel na ginagampanan ng Bahay Pag-asa para sa pagbabago at muling pagbabalik ng mga CICL sa lipunan.

Sinabi ng senador na kapag mas maayos ang pagpapatakbo ng Bahay Pag-asa ay mas malaki ang tsansa na mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga kabataang naligaw ng landas.

Facebook Comments