
Tiniyak ni Energy Committee Chairman Sen. Erwin Tulfo na rerepasuhin nito ang Oil Deregulation Law na noon pang 1998 naisabatas.
Kailangan na aniya ng modernong pagbabago na angkop sa kalagayan ng bansa.
Sinabi ni Tulfo na habang siya pa ang chairman ng komite ay sinisiguro niya ang pagrepaso sa batas upang hindi na mangyari muli ang mga kaduda-dudang kalakalan sa pagpepresyo ng langis na sa tuwing tumataas ang presyo sa pandaigdigang merkado ay magtataas na rin agad sa susunod na araw ang presyo sa bansa.
Puna pa ng senador, kapag bumaba naman ang presyo sa world market, mabagal ang pagbaba sa presyo o kung meron man ay napakaliit lang ang ibinawas sa presyo.
Iginiit ni Tulfo na dapat maibalik sa gobyerno ang kontrol sa presyuhan ng krudo para sa layuning isang sektor ng enerhiya na hindi lang maaasahan kundi mapagmalasakit sa mga konsyumer.










