UMANO’Y BUMARIL SA 55-ANYOS NA LALAKI SA MANGALDAN, NAGPAKILALANG INTELLIGENCE OPERATIVE

Pinaghahanap ngayon ng Mangaldan PNP ang isang hindi pa nakikilalang motorcycle rider na sangkot umano sa pamamaril sa isang 55-anyos na lalaki sa Barangay Salaan madaling-araw noong Agosto 24.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-1:20 ng madaling-araw nang dumating ang suspek sa lugar sakay ng motorsiklo. Nakasuot umano ito ng yellow-green na jacket at grey-black na shorts.

Bago ang pamamaril, nagpakilala umano ang suspek na bahagi ng isang intelligence operative at nagtanong tungkol sa isang babaeng hinahanap nito sa establisimyento.

Maya-maya, dalawang beses umanong pinaputukan ang 55-anyos na biktima.

Dalawang tama ng bala ang tinamo ng lalaki ngunit nanatili itong buhay at agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital para sa gamutan.

Hindi pa matukoy sa paunang imbestigasyon kung ano ang motibo ng suspek, gayundin kung may kaugnayan sa pamamaril ang babaeng hinahanap nito bago ang insidente.

Patuloy ngayong kinakalap ng Mangaldan PNP ang impormasyon mula sa mga nakasaksi. Sinusuri rin ang mga CCTV footage sa pamamagitan ng backtracking at forward-tracing upang matunton ang dinaanan ng suspek bago at matapos ang pamamaril.

Nanawagan ang pulisya sa sinumang may impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan o kinaroroonan ng suspek na agad itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments