MGA BANGKERO SA CALMAY ILOCANO, DUMARAING DAHIL SA KAPOS NA KITA DAHIL SA PATULOY NA EPEKTO NG HABAGAT

Hirap ngayon ang mga bangkero dito sa Calmay Ilocano dahil sa Epekto ng habagat.
Hindi pa rin natatapos ang hagupit ng habagat, at pabugso-bugso pa rin ang pag-ulan. Dahil dito, nahihirapan ang mga bangkero sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan na siyang pangunahing pinagkukunan nila ng gastusin.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Rody Quides, isang bangkero, matumal umano ang kanilang kita dahil sa malalakas na alon. Lalo itong nagpapahirap sa kanilang biyahe dahil sagwan lamang ang kanilang pangunahing gamit.

Maliit din umano ang kanilang kinikita sa bawat biyahe. Bago naman makabiyahe, kinakailangan pa nilang sumunod sa itinakdang time schedule dahil sa dami ng mga bangkero sa lugar.

Sa isang biyahe, hanggang tatlong pasahero lamang ang kayang isakay sa bangka. Labinlimang piso ang pamasahe kada pasahero, kaya nasa 45 pesos lamang ang kabuuang kita sa isang biyahe kung puno ang bangka.

Ayon kay Quides, mahalaga para sa kanila ang pamamasada ng bangka dahil ito ang kabuhayang angkop sa kanilang lugar, na tinaguriang “Barangay Island” ang Barangay Calmay Ilocano.

Sa kabila ng patuloy na epekto ng habagat, umaasa ang mga bangkero na muling sisigla ang kanilang kabuhayan sa sandaling gumanda ang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments