Inirereklamo ng ilang residente ang umano’y pagala-galang aso na humahabol sa mga nag-eehersisyo sa bahagi ng Plaza sa Brgy. Poblacio West, Calasiao.
Ayon kay Audie Reyes, kasapi ng Walker’s Club sa Calasiao, ilang ulit na umano silang hinabol ng mga asong pagala-gala habang nag-eehersisyo tuwing umaga, kabilang ang kaniyang mga kapwa senior citizen at iba pang residente ng Calasiao na gumagamit ng plaza.
Dagdag pa niya, madalas ding naaapakan ng mga nag-eehersisyo ang dumi ng mga aso sa lugar, na nagdudulot ng abala at posibleng panganib sa kanilang kalusugan at kaligtasan. Aniya, hindi na rin ito ang unang pagkakataong iniulat niya ang naturang isyu sa mga tauhan ng munisipyo.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay Barangay Kagawad Vincent Viray, sinabi nitong umiiral sa kanilang nasasakupan ang ordinansang “Aso Mo, Itali Mo,” na nagpapataw ng kaukulang multa sa sinumang may-ari ng asong pinababayaang pagala-gala sa pampublikong lugar.
Dagdag pa ni Viray, agad nilang bibigyang-aksyon ang naturang reklamo. Gayunman, sinabi niyang wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo kaugnay ng mga asong pagala-gala sa plaza.
Dahil dito, hinihikayat niya ang mga residente na magsumite ng pormal na reklamo upang agad itong maimbestigahan at malapatan ng kaukulang aksyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










