
Sa General Santos City ipagdiriwang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Labor Day sa gitna ng inaasahang kilos-protesta sa Metro Manila.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dadalo ang Pangulo sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may temang “Disenteng Trabaho Para sa Lahat.”
Ilalatag dito ang 165,000 trabaho mula sa 89 nationwide job fairs, kasama ang Special Program for Employment of Students (SPES), Government Internship Program, JobStart, at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Inspeksyunin din ng Pangulo ang programang “Bawat Bayan Makikinabang,” kung saan may tig-₱200,000 ang piling barangay para sa ilaw, patrol vehicle, CCTV, generator, at tulong sa graduating students.
Matapos nito, babalik ang Pangulo sa Malacañang para sa courtesy call ni His Excellency Sheikh Joaan bin Hamad Al Thani, Pangulo ng Olympic Council of Asia.
Samantala, pinaigting ang seguridad sa Malacañang habang inaasahan ang mga kilos-protesta ng mga grupong manggagawa.
Kabilang sa mga inaasahang magmartsa ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Kilusang Mayo Uno, Nagkaisa Labor Coalition, at Trade Union Congress of the Philippines para igiit ang dagdag-sahod at mas matibay na proteksyon sa mga manggagawa.










