Friday, October 9, 2026

URBAN BIODIVERSITY MANAGEMENT PLAN, INIHAHANDA SA DAGUPAN MATAPOS ANG ASSESSMENT NG DENR

Pinag-aaralan ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang mga hakbang para sa mas maayos na pangangalaga at pagpapaunlad ng mga luntiang espasyo at biodiversity sa lungsod.

Ito ay kasunod ng presentasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng resulta ng isinagawang Urban Biodiversity Assessment noong Huwebes, Oktubre 8, sa City Mayor’s Office Conference Room.

Kabilang sa sinuri sa assessment ang mga umiiral na green spaces at iba’t ibang uri ng flora at fauna sa lungsod upang makabuo ng batayang datos na magsisilbing gabay sa pagtukoy ng mga lugar na nangangailangan ng higit na pangangalaga at pagpapabuti.

Gagamitin ang mga resulta bilang sanggunian sa paghahanda ng Urban Biodiversity Management Plan.

Pinangunahan nina Development Management Officer II Sheila Mae Capoquian, Development Management Officer I Alain Dayao, at Forest Technician I Joseph Garcia ang presentasyon ng assessment.

Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, kabilang ang Liga ng mga Barangay, City Legal Office, City Planning and Development Office, City Tourism Office, City Engineering Office, City Social Welfare and Development Office, Waste Management Division, at City Agriculture Office.

Inaasahang magsisilbing gabay ang mga natukoy na kalagayan ng biodiversity sa pagpaplano ng mga programang magtataguyod sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili ng mga luntiang espasyo sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments