
Pinangunahan ni Department of Budget and Management (DBM) Sec. Kim De Leon ang inspeksyon sa mga modernong clasrrom, pasilidad at kagamitan sa loob ng University of the Philippines (UP) Manila.
Bahagi ito ng proyekto ng DBM kung saan pinaglaanan ito ng P88.8 milyon na pondo para sa pagsasanay ng mga estudyante na susunod na doktor, nurse at iba pang health professionals.
Kasama ni Sec. De Leon sa pag-iikot sk UP Manila Chancellor Dr. Michael Tee kung saan kabilang sa mga pasilidad na ininspeksyon ang Skills Laboratory ng College of Medicine na nagkakahalaga ng P33.8 milyon, Skills and Simulation Laboratory ng College of Nursing na P45.8 milyon at Smart Classrooms ng College of Allied Medical Professions na may halagang P10 milyon.
Sa pamamagitan ng mga laboratoryo at makabagong kagamitan, mas nahahasa ang kaalaman at praktikal na kakayahan ng mga estudyante bago sila humarap sa aktuwal na mga pasyente.
Ayon kay Sec. De Leon, mahalaga ang mga ganitong proyekto kasabay ng libreng matrikula upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming kabataang Pilipino na makapagtapos ng kolehiyo.
Gayunman, kailangan ding tiyakin na may sapat na kagamitan at maayos na pasilidad ang mga unibersidad upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon.
Para naman kay Dr. Tee, ang suporta ng pamahalaan sa UP Manila ay nakatutulong hindi lamang sa edukasyon at pananaliksik kundi pati sa paghahanda ng mga propesyonal na maglilingkod sa sektor ng kalusugan sa buong bansa.










