
Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District (QCPD) ang viral video sa social media kaugnay ng tensyon sa pagitan ng isang rider at ilang miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na nagkikilos protesta noong June 30 sa nasabing kalsada.
Sa viral video, makikita na naipit ang rider sa trapik dahil sa nakaharang na bus ng mga raliyista, kaya lumiko ito pakanan sa EDSA White Plains na puno rin ng mga miyembro ng INC.
Kinuha rin umano ng mga raliyista ang susi ng kaniyang motorsiklo, habang maririnig naman sa viral video ang nakakatakot na pahayag ng isang raliyista.
Dahil dito, pumagitna umano ang isang pulis at mistulang pinayuhan ang rider na huwag nang magsalita o huwag nang patulan ang mga raliyista, para hindi na umano lumala, partikular para hindi na umabot pa sa pisikalan ang tensyon sa pagitan ng raliyista at pulis, at para din sa kaligtasan ng iba pang indibidwal na naipit ng traffic sa kasagsagan ng kilos-protesta ng INC.
Ayon sa inisyal na ulat, pumagitna umano ang nasabing pulis alinsunod sa ipinatutupad na maximum tolerance ng kapulisan, at alinsunod din sa operational procedure ng Philippine National Police (PNP), maging sa probisyon ng Batas Pambansa Bilang 880 o The Public Assembly Act of 1985.
Samantala, hinimok din ng QCPD ang mismong rider na nasa video at iba pa na nakakita umano ng insidente, na lumapit at makipag-ugnayan sa mga awtoridad para mabigyang linaw sa imbestigasyon ang nasabing insidente.










