Wednesday, April 22, 2026

Senador, umapela sa gobyerno na obligahin ang oil companies na mag-refund sa mga consumer kung mapatunayang may pang-aabuso sa presyo

Nanawagan si Senator Rodante Marcoleta sa gobyerno na utusan o obligahin ang mga kumpanya ng langis na mag-refund sa mga consumer kung mapatunayang may pagmamanipula sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Iginiit ni Marcoleta na aabot sa P3 billion ang kinikita ng isang oil firm sa isang araw dahil ipinatong ang replacement cost ng maaga kahit pa stock o imbak naman ang suplay ng mga produktong petrolyo bago pa magkagyera sa Middle East.

Sinabi ng senador na ang pag-re-refund sa mga consumer ang pinaka-praktikal at pinakamakatwirang paraan para tugunan ang naging sobra-sobrang singil sa mga motorista.

Bukod dito, wala ring kumibo o tumutol nang sabihin niya na ganito na kalaki ang kinikita ng mga kumpanya kahit hindi pa dumarating ang mga bagong suplay ng krudo na maaaring mangahulugan ng pag-amin na totoo ang impormasyon.

Upang masiwalat ng husto ang kanyang mga ibinunyag ay hinikayat ni Marcoleta ang Joint Congressional Energy Commission (JCEC) na silipin ito at obligahin ang oil companies na buksan ang kanilang mga record at magpaliwanag sa ginawang pagtataas sa presyo dalawang linggo mula nang sumiklab ang gyera sa Gitnang Silangan.

Facebook Comments