
Hindi bumilib si House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Representative Antonio Tinio sa “Upper-middle income” status ng Pilipinas batay sa klasipikasyon ng World Bank.
Giit ni Tinio, wala itong saysay at hindi dapat ipagmalaki kung patuloy na naghihirap ang mga manggagawang Pilipino na napako na ang sahod ay P510 kada araw na wala pang kalahati ng P1,312 na kinakailangang living wage.
Nais ding malaman ni Tinio kung sa bulsa ba ng mga kapitalista at mga kurakot o saan ba napunta ang sinasabi ng World Bank na paglaki ng ating ekonomiya ng average na 5.8 percent kada taon na hindi naman ramdam ng mga manggagawa.
Ayon kay Tinio, ang kailangan natin ay tunay na ekonomikong pag-unlad kung saan ang lahat ng manggagawa ay kumikita ng living wage at may access sa basic services.
Panawagan ni Tinio, huwag tayong lokohin ng mga numero at mga klasipikasyon dahil ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay ang pagkakaroon ng bawat Pilipino ng dignidad, seguridad sa trabaho at sapat na kita para sa kanilang pamilya.









