
Ipinaliwanag ng Malacañang na hindi ibinasura ng Sandiganbayan ang graft case laban sa puganteng si Zaldy Co matapos itong i-archive.
Sa press briefing sa Vancouver, Canada, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, procedural lamang ang pag-archive ng kaso dahil nananatiling at large si Co at hindi pa naipatutupad ang warrant of arrest laban dito.
Ang archived case aniya ay pansamantalang inaalis lamang sa listahan ng mga kasong dinidinig ng korte at hindi ito nangangahulugang ibinasura o tuluyang isinara ang kaso.
Ayon kay Castro, oras na maaresto si Co, agad na ibabalik sa aktibong pagdinig ang kaso.
Dagdag pa niya, suspendido rin ang pagtakbo ng prescriptive period habang naka-archive ang kaso kaya mananatili itong may pananagutan sa batas kapag nahuli na siya.









