
Nagpatupad ang Department of Education (DepEd) ng mas mahigpit na mga alituntunin para tugunan ang mga paglabag sa seguridad sa loob ng mga paaralan.
Kaugnay nito, ituturing na ngayon na mabigat na kasalanan na may katapat na mabigat na disciplinary action ang mga bomb threat at pagdadala ng mga nakamamatay na armas.
Ayon sa DepEd, layon ng hakbang na maprotektahan ang kapakanan ng mga mag-aaral sa matapos ang mga karahasan sa mga paaralan.
Sa ilalim ng pinagsamang framework, ang bomb threat at ang pagdadala ng mga nakamamatay na armas sa loob ng paaralan o sa mga aktibidad ng paaralan ay itinuring na third-level offense, na siyang pinakamataas at pinakamalubhang kategorya ng paglabag.
Sa first-level offenses naman tulad ng pagbibitiw ng mga bastos o masasamang salita sa loob ng paaralan, simpleng bandalismo, magulong pag-uugali, at pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan o kaguluhan, ang estudyante ay sasailalim sa written reprimand, ipatatawag ang mga magulang, at maaring patawan ng suspensyon.
Habang sa second-level offenses o paulit-ulit na pag-uugali na higit pa sa simpleng paglabag, kabilang ang stalking, slight physical injuries, pagnanakaw, pananakot, at pangha-harass ay may parusang mandatoryong suspensyon sa unang paglabag, non-readmission sa ikalawang paglabag, at exclusion sa ikatlong paglabag.
At ang third-level offenses tulad ng hazing, pagpatay, at sexual assault ay may katapat na pinakamataas na parusang administratibo gaya ng non-readmission o exclusion, kasabay ng awtomatikong pag-endorso sa mga awtoridad at mga nararapat na ahensya para sa kaukulang hakbang ng batas at intervention.










