Wednesday, April 22, 2026

Wanted na illegal recruiter, nadakip sa NAIA Terminal 3

Arestado ang isang 45-anyos na lalaking pasahero mula Japan na naharang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong April 20, 2026 dahil sa kasong large-scale illegal recruitment at serious illegal detention.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon ng Philippine National Police–Makati Police, Aviation Security Group (AVSEGROUP), Bureau of Immigration, at NAIA Police Station 3, kasama ang Guadalupe Nuevo Sub-Station 7.

Batay sa imbestigasyon, dumating sa bansa ang suspek na may nakabinbing warrant of arrest na walang piyansa.

Nahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa Article 267 of the Revised Penal Code at Republic Act No. 8042 na inamyendahan ng Republic Act No. 10022.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Guadalupe Nuevo Sub-Station 7 ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon bago ito iharap sa korte.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na patuloy nilang titiyakin ang kaligtasan ng publiko at ang seguridad ng bansa para sa pamumuhay, trabaho, at negosyo.

Facebook Comments