Inaresto ng mga tauhan ng Urbiztondo Police Station ang isang 32-anyos na lalaki na itinuturing na wanted person sa isinagawang operasyon bandang 5:40 ng hapon noong Agosto 5 sa bayan ng Urbiztondo.
Ayon sa pulisya, residente ng Urbiztondo ang nasabing akusado at naaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, First Judicial Region, Branch 77 sa San Carlos City, Pangasinan.
Nahaharap ang suspek sa 15 bilang ng Qualified Theft, na may inirekomendang piyansang ₱24,000 para sa bawat bilang ng kaso.
Kasalukuyang nakadetine ang akusado sa custodial facility ng Urbiztondo Police Station habang isinasagawa ang kaukulang legal na proseso at paghahanda para sa pagharap sa korte.
Ayon kay Police Major Fernan L. Rivera, hepe ng Urbiztondo Police Station, magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa mga wanted person bilang bahagi ng kampanya ng Philippine National Police laban sa kriminalidad at iba pang paglabag sa batas upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan.
Paalala na ang mga alegasyon laban sa akusado ay mananatiling paratang hanggang sa mapatunayan ang kanyang pagkakasala sa korte. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










