Agad na naaresto ng mga tauhan ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang isang lalaking pinaghihinalaang sangkot sa pagnanakaw sa isang bahay sa Barangay Bacayao Norte noong Agosto 5. Nabawi rin ng mga awtoridad ang mga alahas na tinatayang nagkakahalaga ng ₱35,000.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagtungo sa Police Station 2 sa Barangay Mayombo bandang 11:50 ng umaga ang 62-anyos na biktima matapos matuklasang pinasok ang kanyang bahay. Una umanong napansin ng isang kasambahay ang magulong kalagayan ng dining area at mga silid sa ikalawang palapag, kung saan may mga kabinet na sapilitang binuksan.
Sa pagsusuri ng CCTV footage ng bahay, nakita ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na pumasok sa loob ng bahay bandang 12:31 ng madaling araw at sinadyang takpan ang lente ng kamera. Nang magsagawa ng imbentaryo ang biktima, napag-alamang nawawala ang ilang alahas, kabilang ang isang 18-karat na kuwintas na ginto.
Agad namang nagsagawa ng hot-pursuit operation ang mga pulis, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang 35-anyos na construction worker na residente rin ng Barangay Bacayao Norte. Nabawi rin sa operasyon ang lahat ng iniulat na nawawalang alahas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Dagupan City Police Office ang suspek habang isinasagawa ang dokumentasyon, inquest proceedings, at pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte.
Paalala na ang suspek ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa korte. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










