WASTONG PROSESO AT PROTEKSYON SA KABATAAN, IGINIIT NG LGU DAGUPAN

Iginiit ni Mayor Belen Fernandez, SAFEnet team, at ilang grupo ng ahensya ang wastong proseso at proteksyon sa kabataan bunsod ng nag-viral na video kung saan kuha sa isang barangay hall sa lungsod.

Agad na kumilos ang SAFEnet Team upang alamin ang kalagayan ng mga batang sangkot sa viral video na nagpapakita umano ng pananakit at paninigaw ng isang barangay tanod sa ilang menor de edad.

Personal na pinakinggan ang kanilang panig at matukoy ang nararapat na interbensyon.

Binigyang-diin ng grupo na bagama’t dapat managot ang sinumang nagkamali, hindi dapat manaig ang galit o paghihiganti sa halip na ang tamang proseso ng batas.

Ayon sa kanila, malinaw sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act na dapat papanagutin ang mga batang nagkasala nang may paggalang sa kanilang mga karapatan at hindi sa paraang sumisira sa kanilang pagkatao.

Bunsod ng insidente, nagpulong din ang SAFEnet kasama ang City Social Welfare and Development Office (CSWD), Philippine National Police (PNP), POPCOM, Women Center, at isang psychometrician upang palakasin pa ang pagtugon sa bullying at iba pang kaso na kinasasangkutan ng mga bata at mga opisyal ng barangay.

Ayon sa SAFEnet, hindi nagtatapos ang responsibilidad ng pamahalaan sa pagresponde sa isang insidente lamang. Kailangan ding mabigyan ng suporta ang pamilya, matulungan ang biktima, at magabayan ang mga batang maaari pang magbago. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments