DAGUPAN SAFENET TEAM INAKSYUNAN ANG VIRAL NA UMANO’Y PANANAKIT SA MGA MENOR SA BONUAN BINLOC

Sa panayam ng IFM News Dagupan sa mga magulang ng mga batang nasangkot sa insidente ng umano’y pisikal na pagdidisiplina sa mga menor de edad, sinabi nilang masakit para sa kanila ang nangyari sa kanilang mga anak at umaasang mabibigyan ng katarungan ang nangyari upang hindi na umano ito muling maranasan ng iba pang mga bata.

‎Sa kuhang video na nag-viral sa social media, kuha sa loob ng Barangay hall ng Bonuan Binloc, Dagupan City, ang umano’y pananakit sa ilang menor de edad habang naroroon ang ilang opisyal ng barangay.

‎Ayon sa pamilya ng tatlong menor de edad, nagtungo sila sa barangay hall upang ayusin ang isang insidenteng kinasasangkutan ng kanilang mga anak at pamangkin na iniuugnay sa umano’y pagnanakaw.

‎Sa panayam ng iFM News Dagupan kay Anthony Jovellanos, ama ng isa sa mga batang nasa viral na video, sinabi nitong aminado silang nagkamali ang kanilang anak. Gayunman, iginiit niyang hindi umano nararapat na humantong sa pananakit ang pagdidisiplina.

‎Kasunod ng insidente, nagtungo sa mga pamilya ng mga bata ang SAFEnet Team ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan sa pangunguna ni Mayor Belen T. Fernandez, upang pakinggan ang panig ng mga pamilya at magbigay ng kaukulang suporta.

‎Dapat manaig ang tamang proseso sa pagdidisiplina sa mga bata at igalang ang kanilang mga karapatan alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act. Nagpulong din ang CSWD, PNP, POPCOM, at iba pang ahensya upang palakasin ang pagtugon sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga kabataan at isulong ang paggabay sa halip na karahasan.

‎Sa ngayon, hinihintay pa ng iFM News Dagupan ang opisyal na pahayag ng Pamahalaang Barangay Bonuan Binloc hinggil sa nasabing insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments