Batay sa Weather Advisory No. 68 ng PAGASA, inaasahang makakaranas ang Pangasinan, La Union at Ilocos Sur ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan hanggang hapon ngayong Agosto 19.
Mas mataas naman ang inaasahang dami ng ulan sa Pangasinan at La Union mula ngayong hapon hanggang bukas ng hapon, Agosto 20, na maaaring umabot sa 100 hanggang 200 millimeters.
Dahil dito, muling binabantayan ang posibilidad ng pagbaha at rain-induced landslide, lalo na sa mga lugar na nakaranas na ng matinding pag-ulan at pagbaha nitong mga nakaraang araw.
Mula Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng hapon, Agosto 21, posible namang makatanggap ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra at Pangasinan.
Babala ng PAGASA, maaari pang lumampas sa forecast ang aktuwal na dami ng ulan sa mga kabundukan at matataas na lugar. Maaari ring maging mas malala ang epekto kahit sa mas mababang dami ng panibagong ulan dahil basa na ang lupa at mataas na ang saturation sa ilang lugar bunsod ng mga naunang pag-ulan.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga lokal na pamahalaan at disaster risk reduction and management offices na patuloy na bantayan ang mga flood-prone at landslide-prone areas at magsagawa ng kinakailangang paghahanda upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.
Pinapayuhan din ang publiko na patuloy na subaybayan ang Heavy Rainfall Warnings, Thunderstorm Advisories at iba pang weather bulletins ng PAGASA, dahil maaari pang magbago ang sitwasyon depende sa aktuwal na dami ng ulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







