
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pormal na paglulunsad ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) ng Commission on Higher Education (CHED).
Layon ng programa na bigyan ng pagkakataon ang mga working professional na makakuha ng college degree batay sa kanilang karanasan at kakayahan kahit hindi nakapag-aral ng kolehiyo.
Sa ilalim nito, maaaring makakuha ng katumbas na credits ang mga aplikante na may higit limang taong work experience at pasado sa comprehensive competency assessment.
Susukatin dito ang KSAVs o knowledge, skills, attitudes and values na nakuha sa non-formal learning, informal training, at relevant work experience.
Ayon kay Pangulong Marcos, malaking bagay ito para sa mga Pilipinong may taglay na talino, diskarte at determinasyon pero hindi nakapagtapos ng kolehiyo dahil kinailangang magtrabaho para sa pamilya.
Dagdag pa ng pangulo, ang sukatan ng dunong ay hindi lang nakukuha sa paaralan kundi sa kakayahang harapin ang hamon ng buhay para matupad ang pangarap.
Kaugnay nito, pinatitiyak ni Pangulong Marcos sa CHED na tiyaking maayos at epektibo ang pagpapatupad ng ETEEAP Act, at siguruhing mapapakinabangan ito ng mga Pilipino.