Malacañang, iginiit na hindi tungkol sa impeachment ang pahayag na bukas si PBBM na pagkasunduin ang Senado at Kamara

May paglilinaw si Palace Press Officer Claire Castro, sa una nitong pahayag na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kausapin ang dalawang liderato ng Kamara at Senado tungkol sa hindi nito pagkakaunawan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala siyang binanggit na makipagdayalogo ang pangulo sa Kongreso tungko sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte dahil nananatili ang posisyon ng pangulo na hindi makialam sa naturang usapin.

Paglilinaw ni Castro, bukas lamang ang pangulo na maging tulay sa pagkakasundo ng Kamara at Senado sa ibang mga bagay o usapin ng mga panukalang batas na may hindi pagkakaunawaan ang dalawang liderato, pero sa usapin ng impeachment ay hindi ito makikisawsaw.

Umaasa si Castro na makararating ang paglilinaw na ito kay Senate President Chiz Escudero dahil umaayon ang Palasyo sa opinyon nito.

Matatandaang nagkaroon ng bangayan ng Kongreso sa isyu ng impeachment trial ni VP Sara nang ibalik ng Senado sa Kamara ang Articles of Impeachment para linawin na ito ay legal at walang nilabag sa Konstitusyon.

Facebook Comments