Sunday, May 17, 2026

𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜, 𝗡𝗔𝗦𝗔𝗪𝗜 𝗦𝗔 𝗔𝗞𝗦𝗜𝗗𝗘𝗡𝗧𝗘 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗦𝗨𝗠𝗔𝗟𝗣𝗢𝗞 𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗢𝗧𝗢𝗥𝗦𝗜𝗞𝗟𝗢 𝗦𝗔 𝗔𝗥𝗠𝗢𝗥𝗘𝗗 𝗧𝗔𝗡𝗞

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang 42-anyos na lalaki matapos masangkot sa isang aksidente nitong ika-16 ng Mayo sa Brgy. Minante 1, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang driver ng motorsiklo na si alyas “Marco”, 42-anyos at residente ng Brgy. Alinam, Cauayan City habang kinilala naman ang driver ng Armored Tank ng Philippine Army na minamaneho ni alyas “Dong” 35-anyos, miyembro ng Philippine Army at residente ng Brgy. Nagrumbuan sa nasabing lungsod.
Batay sa ulat, parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang daan patungong Timog na direksiyon at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, dahil umano sa malakas na buhos ng ulan at madulas na kalsada, sumalpok ang motorsiklo sa kanang bahagi ng armored tank.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang rider.
Agad namang rumesponde ang Rescue 922 at isinugod ang biktima sa Cauayan District Hospital ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye hinggil sa insidente.
Facebook Comments