Wednesday, April 22, 2026

𝗠𝗚𝗔 𝗠𝗢𝗦𝗧 𝗪𝗔𝗡𝗧𝗘𝗗, 𝗛𝗨𝗟𝗜 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗦 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗜𝗚𝗧𝗜𝗡𝗚 𝗡𝗔 𝗢𝗣𝗘𝗥𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗡𝗚 𝗣𝗥𝗢𝟮

CAUAYAN CITY- Umabot sa 118 indibidwal ang naaresto sa pinaigting na kampanya laban sa krimen ng Police Regional Office 2 (PRO2) sa Lambak ng Cagayan mula April 2 hanggang 8, 2026.

Ito ay bunga ng mas pinaigting na pagpapatupad ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO), na layong mapanatili ang seguridad at kaayusan sa rehiyon.

Batay sa ulat, 62 sa mga naaresto ay mga wanted persons, kabilang ang walong itinuturing na most wanted at 54 iba pang pinaghahanap ng batas na nahuli sa magkakahiwalay na operasyon.

Sa kampanya laban sa ilegal na droga, 13 operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 13 suspek. Nasamsam sa mga operasyon ang 12.57 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱86,000 at mahigit isang kilo ng marijuana na tinatayang nasa ₱1,960 ang halaga.

Samantala, 18 katao ang naaresto sa limang operasyon laban sa ilegal na sugal. Sa pagpapatupad naman ng batas kontra ilegal na baril, walong indibidwal ang nadakip at apat na baril ang nakumpiska. Dagdag pa rito, 20 baril at 10 pampasabog ang boluntaryong isinuko ng mga sibilyan bilang suporta sa kampanya ng pulisya laban sa loose firearms at explosives.

Hindi rin nakaligtas sa operasyon ang mga sangkot sa illegal logging. Limang indibidwal ang naaresto sa apat na operasyon, kung saan nakumpiska ang mahigit 2,400 board feet ng iligal na kahoy na nagkakahalaga ng higit ₱107,000.

Ang ganitong mga operasyon ay bunga ng pagsisikap ng kapulisan na sugpuin ang kriminalidad at palakasin ang ugnayan sa komunidad tungo sa mas ligtas na rehiyon.

Facebook Comments