
CAUAYAN CITY – Kasabay ng posibilidad ng oil price hike, nilahad ng ilang LPG retailers sa lungsod na walang pagtaas ng presyo sa kanilang mga produkto ngayong linggo.
Sa panayam ng IFM News Team kay Rovinson Calderon, ibinahagi niyang mananatili ang presyo ng kanilang LPG products sa kabila ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon sa kanya, hindi biro ang kanilang pinagdadaanan dahil mataas ang kuha nila sa supplier, ngunit kadalasan ay saka pa lamang nag-aabiso ng rollback ang mga ito matapos silang makabili. Dagdag pa niya, ramdam pa rin hanggang ngayon ang epekto ng krisis tulad ng giyera na nakaapekto sa galaw ng presyo ng langis.
Sa kabila nito, sinabi ni Calderon na patuloy nilang ipapasa sa mga customer ang anumang rollback upang makatulong sa mga suki na nahihirapan din sa pang-araw-araw na gastusin.
Samantala, naglalaro mula P1250 hanggang P1410 ang presyo ng mga local brands.
Sa huli, nagpaalala si Calderon sa publiko na manatiling mapagmatyag at maging handa sa posibleng paggalaw ng presyo ng LPG sa mga susunod na linggo, kasabay ng patuloy na pagbabago sa pandaigdigang merkado ng langis.










