Wednesday, April 15, 2026

₱10/L diskwento sa diesel para sa jeep at UV express, nagsimula na ngayong tanghali

Epektibo na simula kaninang tanghali ang ₱10 kada litrong diskwento sa diesel para sa mga jeep at UV express sa Metro Manila.

Sa Malacanang press briefing, sinabi ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, na nasa 33 gasolinahan na ang kasali at naka-enroll sa LandBank para magpatupad ng diskwento.

Inaasahang madaragdagan pa ito hanggang umabot sa 52 sa loob ng araw.

May mga nakapaskil na signage sa mga istasyon para madaling matukoy ng mga driver kung saan sila maaaring magpakarga na may diskwento.

Sa ilalim ng programa, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na ang listahan ng mga kwalipikadong operator ay isinumite ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa LandBank.

Bawat driver ay maaaring makapagpakarga ng hanggang 150 litro kada linggo.

Kung hindi nagamit sa loob ng isang linggo, hindi na ito maaaring i-carry over.

Tatagal ang naturang diskwento sa loob ng tatlong buwan, saklaw ang nasa 171,000 jeep at UV Express units sa buong bansa.

Ayon naman kay LandBank President at CEO Lynette Ortiz, pina-simple nila ang proseso kung saan ilalagay lamang ang plate number sa sistema ng gasolinahan para agad ma-verify, at awtomatikong ibabawas ang diskwento sa resibo.

Facebook Comments