
Mula sa maiinit na eksena sa Senado, nauwi sa online game ang viral na “Senate Run” na pinag-uusapan ngayon sa social media.
Tampok sa laro si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kung saan kailangan niyang tumakbo at umiwas sa mga obstacle gaya ng NBI agents at wet floor signs sa loob ng Senado. Kapag nahuli o sumabit ang karakter, game over agad.
Likha ito ng indie app developer na si Joniffer Mandac na nagsabing ginawa niya ito bilang katuwaan lang habang umiikot ang usapin sa Senado.
Sa panayam sa DZXL Anong Latest, sinabi ni Mandac na anim na araw niya itong binuo gamit ang mobile data at hindi niya inaasahan ang mabilis na pag-viral nito.
Dahil sa atensyon online, plano niyang dagdagan pa ng features at power-ups ang laro.
Tinatrabaho rin niya ang panibagong game na “Call of Senate,” isang shooting-style game kung saan tampok naman si suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.
Posible rin aniyang sundan pa ng iba pang larong hango sa viral na eksena sa Senado, kabilang ang mga personalidad na sina Sen. Pia Cayetano at ang mga naging sagutan nina Sen. Francis Pangilinan at Sen. Robin Padilla.
Sa ngayon, web browser pa lamang puwedeng laruin ang “Senate Run,” ngunit pinag-aaralan na rin ang paglalabas nito sa iba pang app platforms.










