
Cauayan City – Nailibing na ang bangkay ng isang babae na natagpuan sa creek sa Sitio Ragpatan sa Brgy. Labinab, Cauayan City, Isabela nitong linggo.
Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima.
Ayon sa ulat mula sa Cauayan City Police Station, walang mga markang nakita sa katawan ng babae na posibleng maging basehan ng pagkakakilanlan nito.
Dahil sa nasa state of decomposition na ang katawan nito, hindi na rin makilala maging ang kanyang mukha.
Ang babae ay tinatayang nasa edad 30-40 taong gulang, hanggang balikat ang haba ng buhok, at nakasuot ng orange na damit, at kulay pulang jogging pants noong siya ay matagpuan.
Samantala, base sa pagsusuri ng mga awtoridad sa katawan ng biktima ay wala namang nakitang injuries sa katawan nito at pinaniniwalaang posible itong nalunod sa ilog at tinangay ng agos ng tubig.
Dahil dito, nananawagan ang pamunuan ng Cauayan City Police Station kung sino man ang nawawalan ng kaanak na mangyaring makipag-ugnayan sakanila kung sakali man na pasok sa deskripsyon ng natagpuang babae ang nawawala nilang kaanak.










