
Cauayan City – Hinihiling ng mga tricycle drivers sa lungsod ng Cauayan ang mas mahigpit na traffic enforcement sa mga kalsada partikular na sa mga one-way route sa lungsod.
Halos isang buwan simula noong maipatupad ang bagong traffic scheme sa lungsod, nakapag-adjust na sa mga bagong ruta ang karamihan sa mga pampasaherong tricycle.
Ayon sa ilan, maganda ang epekto ng mga ipinatupad na one-way scheme dahil kahit papaano ay nabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko at congestion ng mga sasakyan sa mga dating daanan lalo na sa mga pangunahing lansangan.
Bagama’t nakikita na epektibo ang bagong traffic route, isa naman sa problema ngayon ay ang mga pasaway at hindi pa rin marunong sumunod na mga motorista.
Sa panayam ng IFM News Team kay Ginoong Simon Oreña, tricycle driver mula sa Brgy. Turayong, Cauayan City, sinabi nito na sa kabila ng kabi-kabilaang signages na nakalagay sa kalsada, mayroon pa rin talagang mga pasaway na hindi sumusunod sa ipinapatupad na ordinansa.
Aniya, madalas siyang may makasabay na hindi sumusunod sa one-way traffic route sa bahagi ng Cortez Street at Roxas Street.
Dahil dito, hinihiling niya na sana ay mas higpitan pa ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga rutang ito upang masiguro na ang lahat ay susunod, at mabibigyang parusa naman ang mga susuway.










