Kasunod ng insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, agad na naglabas ng safety advisory ang Office of the School Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) ng San Nicolas National High School.
Sa inilabas na advisory, binigyang-diin ng DRRM ang pangangailangan ng mas pinaigting na pagbabantay sa loob at paligid ng mga paaralan habang patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang sitwasyon bunsod ng insidente sa Tacloban at ilan pang paaralan sa bansa.
Ayon sa DRRM, asahan ang presensya ng seguridad, inspeksyon ng mga bag, at random checks sa mga papasok sa paaralan.
Mahigpit ding ipatutupad ang visitor policy kung saan kinakailangang magpakita ng valid identification bago payagang makapasok sa campus.
Giit ng tanggapan, mahigpit na binabantayan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot.
Bukod dito, inihayag na magbibigay ang paaralan ng counseling at psychosocial support para sa mga mag-aaral, guro, at mga pamilya na nakararanas ng matinding pag-aalala.
Ang insidente sa Tacloban City ay muling nagbukas ng usapin tungkol sa seguridad sa mga paaralan sa bansa, na nagtulak sa mga institusyong pang-edukasyon na higpitan ang kanilang mga safety protocols upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








