Monday, July 6, 2026

𝗗𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗘𝗟𝗘𝗖𝗧𝗥𝗜𝗖𝗜𝗔𝗡, 𝗔𝗥𝗘𝗦𝗧𝗔𝗗𝗢 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗦𝗢𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗡𝗔𝗡𝗔𝗞𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗕𝗟𝗘 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬

CAUAYAN CITY- Arestado ang dalawang manggagawa sa isang construction project matapos umanong tangkaing nakawin ang mga electrical wire na nakalaan para sa itinatayong gusali ng NIA MARIIS sa Barangay Minante I, Cauayan City noong ika-4 ng Hulyo.

Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “JP,” 20, at “JC,” 18, na kapwa electrician sa naturang proyekto.

Batay sa ulat, nahuli umano ang dalawang suspek matapos silang makitang naghagis ng isang puting sako palabas ng bakod ng construction site. Agad itong iniulat ng isang skilled worker sa kalihim ng AGT Builders na nagsasagawa noon ng inspeksyon sa lugar.

Nang suriin ang sako at isang backpack na naiwan sa lugar, nadiskubre ang iba’t ibang electrical wires na may kabuuang habang 490 metro at tinatayang nagkakahalaga ng ₱41,650.

Positibong kinilala ng testigo ang dalawang suspek bilang mga naghagis ng sako kaya isinagawa ang citizen’s arrest bago sila isinuko sa mga pulis ng Cauayan Component City Police Station.

Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong qualified theft, habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.

Facebook Comments