SERBISYONG MEDIKAL SA SUPERHEALTH CENTER SA SAN FABIAN, MAS PINALAWAK

Mas pinalawak pa ng Lokal na Pamahalaan ng San Fabian ang serbisyong pangkalusugan para sa mga residente matapos ianunsyo ang operasyon ng laboratory at X-ray facility sa SuperHealth Center sa Barangay Cayanga, kasabay ng patuloy na pagpapalakas ng YAKAP Program.

Sa ginanap na Flag Raising Ceremony, iniulat ng kinatawan ng Rural Health Unit (RHU) 1 ang mga bagong hakbang ng LGU upang mas mapalapit at mapabilis ang access sa serbisyong medikal sa bayan.

Bukas umano ang RHU I, RHU II, RHU III, at SuperHealth Center sa mga mamamayan, na may nakatakdang iskedyul ng physician-on-duty upang masigurong tuloy-tuloy ang serbisyo.

Sa anunsyo, may libreng laboratory at X-ray services para sa mga rehistradong benepisyaryo ng YAKAP Program, habang may kaukulang bayad para sa mga hindi pa rehistrado bilang bahagi ng pagpapanatili ng operasyon ng pasilidad.

Kasabay nito, patuloy ding pinalalawak ang YAKAP Gamot Program kung saan mula 21 ay inaasahang aabot sa 75 ang uri ng libreng gamot na maaaring makuha ng mga kwalipikadong benepisyaryo. Sa kasalukuyan, isang accredited drugstore pa lamang ang katuwang ng programa sa bayan.

Binigyang-diin ng LGU San Fabian ang layunin nitong gawing mas abot-kaya, episyente, at accessible ang serbisyong pangkalusugan, lalo na para sa mga residente sa mga barangay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments